10/21/2012

Longganisa


Hi guys, kumusta kayo, ako heto buhay pa rin, sumosobra lang ata ang pagkabusy kaya hindi na ako nakakapag-update ng madalas. But the long wait is over kasi heto na ako...
Noong nakaraang September 21, pagkatapos mananghalian, niyaya ako ng isa kong kasamahang volunteer na nagbabantay sa kanyang kaibigang nakaconfine sa isang ospital. Nagdadalawang isip ako kasi sa totoo lang, ayokong nagpupunta sa ospital lalo na at ang pupuntahan ay katulad ko ang karamdaman, hindi pa kasi ako handa na makita ang pwede kong maging kalagayan kung dumating na rin sa oras na pinabagsak na ni HIV ang aking immune system ngunit dahil sa ilang araw na rin nya akong niyayaya ay sumama na rin ako.

Pagdating ko ng ospital, hindi ko kaagad nakilala yung taong dadalawin namin, iba ang kanyang hitsura, iba sa kanyang hitsura noong una ko siyang nakita. Kinumusta ko siya, tinanong kung nakikilala pa niya ako, oo daw. Medyo nahihiya siya sa akin noong una kasi hindi naman kami malapit sa isa't isa pero naging okay rin naman agad kinalaunan. May mga nilakad na gagawing test sa kanya ang kasama ko kaya ako ang naiwang nagbabantay sa kanya. Wala kasi siya talagang bantay, isa lang ang kasama niya sa buhay, ang kanyang nanay na 84 years old na at hindi na siya kayang alagaan kaya ang ilang community health outreach workers ang nagpapalit na magbantay sa kanya. Kaya habang ako ang naiwan, inasikaso ko siya sa paraang alam ko, pinakain, pinainom ng gamot at inalalayan sa mga bagay na hindi niya kayang gawing mag-isa. Kinagabihan, dumating na ang nakatokang magbantay sa kanya kaya nagpaalam na kami. Ang sabi niya balik daw ako.

Kinabukasan, umuwi ako ng probinsya dahil may ilang personal issues din ako na kailangang lutasin. Kinagabihan, nakatanggap ako ng text mula sa kanya, sabi niya: "Bal, ikaw na lang magbantay sa akin", nagreply ako: "Pasensya na, umuwi kasi ako ng probinsya" nagtext siya ulit: "joke, joke lang". Thursday night nagtext ang isa kong kasamahan na dumalaw sa kanya na kawawa naman si _ _ _. (yung nakaconfine). Mas lumala ang kanyang kalagayan. Tapos, gusto daw niya kumain ng longganisa na galing sa probinsya ko. Friday (september 28) ng umaga ko nabasa ang text na yun at kahit wala sa plano ay dali-dali akong naggayak, bumili ng gusto niyang kainin at lumuwas ng Maynila. Pagkaluto ko ng longganisa ay nagpunta na ako sa kanya, sabi ng isa sa aking mentor, ako na daw muna ang magbantay sa kanya that night kasi hindi available yung nagbabantay sa kanya ng gabi. Natuwa siya nang makita ako at sinabi ko sa kanya na may dala akong pasalubong sa kanya. Longganisa. Mas pumayat siya, may mga nagtubuang rashes sa buong katawan, nahihirapang makarinig, namaga din ang kanang kamay niya na pinaglalagyan ng dextrose, nagtatae na rin siya, nakadiaper at hindi na rin makatayong mag-isa. Lalo din dumami ang iniinom niyang gamot at bitamina, 8 klase na iinumin ng 6pm, arv ng 8pm at 10pm. (At walo uli sa umaga maliban sa arv.) Sinubuan ko siya ng longganisa at kahit nahihirapan siya sa paglulon, pinilit niya pa ring kumain at laking tuwa ko, madami siyang nakain. Sinimulan ko siya tawaging Beh, ang haba kasi ng name niya kaya beh nalang ang tinawag ko sa kanya. Noong gabing yun hanggang madaling araw, makailang beses siyang dumumi ng lusaw. At first time kong nakapaglinis ng pupu ng iba, noon lang din ako nakasubok maglagay ng diaper. Akala ko nga hindi ko magagawa pero nagawa ko, at hindi ako nandiri. Ang sabi nya: "Bal, pasensya ka na ha, pinapahirapan kita" sabi ko naman: " Okay lang yun basta magpagaling ka ha". Oo daw papalagaling siya. Tapos sabi niya ulit: Bal, please ikaw na lang magbantay sa akin, ayoko kay _ _ _ (yung ibang nagbabantay), please. Hindi nila ginagawa yung ginagawa mo. Sagot ko naman "Basta kapag wala akong gagawin, pupuntahan kita. Noong dumating na ang magbabantay sa kanya kinabukasan ay nagpaalam na akong umuwi para makatulog, nagmakaawa uli siya na please daw ako na lang ang magbantay sa kanya, magpapakabait daw siya, hindi daw nya ako papahirapan. (grabe di ko alam kung ooo ako, may iba rin akong ginagawa kasi). Sabi ko na lang na basta babalik ako. Kinagabihan uli, babawi pa lang sana ako ng tulog subalit yung magbabantay pala sa kanya ay hindi makakarating kaya kahit wala pa akong tulog ay ako uli ang nagbantay sa kanya. Di pa rin bumubuti kondisyon nya at may nakalagay na rin na oxygen sa kanya. Nilalagnat at nagchichills din siya paminsan-minsan, patuloy pa rin ang pagtatae. Hindi na rin siya muna pinakain dahil nga sa hinihingal siya at sinuka din yung huli nyang kinain. Third night, yung isang nurse na nakaduty nung mga oras na yun, narinig siyang nagpapatugtog ng mga Christian songs, tapos tinanong siya kung okay lang daw ba kung ipepray over siya nung nurse na yun (na friend ko na sa fb ngaun hehe), sabi niya sige daw, so habang pinepray over siya nung nurse, ako naman ay iyak ng iyak pero nakatalikod lalo na sa part nung dasal na pinapasuko na yung buhay niya kay Jesus, huwag daw muna kasi kawawa daw yung nanay niya, walang magbabantay. Pati yung nurse hindi napigilang maiyak. Pero natapos din ang pray over at pumayag na rin siyang bigkasin yung mga salitang iyon. Pinagpray over din nya ko. Iyak ako ng iyak dahil naaawa ako sa kanya dahil pinipilit pa rin niyang lumaban para sa nanay niya at dahil din sa sobrang napukaw ang damdamin ko na sa mga ganoong pagkakataon ay may isang nurse na darating para gawin yun. Kinausap na rin ako ng isa pang nurse na mabait (actually mababait lahat ng nurse sa ospital na yun) na kung may mga kamag-anak o magsisilbing guardian na magdedesisyon sa mga bagay na dapat madesisyunan agad. Siyempre hindi pwedeng ako lang. Wala pala talaga silang kamag-anak, inilihim din nya sa kanyang mga kaibigan at katrabaho ang kanyang karamdaman pero may ilang malalapit na dumalaw din sa kanya at nakita siya. Day 4 ng pagbabantay ko, nagrereklamo na siya kasi ilang araw na daw siya hindi kumakain, bawal din siya uminom baka mabilaukan. Nilalagyan ko na lang ng tubig ang bulak para makainom siya kahit papaano dahil uhaw na uhaw daw siya. Mas nilakasan ang oxygen nya dahil nahihirapang huminga, pero tinatanggal tanggal niya rin, pinipinilit nya magsalita; nagtatanong : ano ito?, kinilabutan rin ako dahil may katabi daw ako  at may nakita daw siya na asong itim na pumasok sa banyo tapos pray siya ng pray In Jesus Name. May mga bata rin siyang tinataboy dahil ginugulo daw siya. .Dumating na rin kinagabihan ang nanay niya na noon ko lang din nakita. Hindi na talaga kayang mag-alaga dahil pati sa paglalakad ay nahihirapan na rin, may sakit  pa. Very touching din ang moment na yun at buhat nung dumating ang nanay niya eh hindi na umalis sa tabi nya. Day 5,  more on sign language kami at sabi ko isulat na lang niya sa cellphone ang gusto nya sabihin para magkaintindihan kami. Noong mga panahon din iyon, sabi ko may milagro, binigyan ako ng lakas ni Lord para magawa kong maalagaan siya kahit wala ako halos tulog. Pinakaginagamit  naming sign ay ang okay (thumbs up) at yung fight, fight, fight (close fist). Tuesday night (October 2) ay hindi na siya dumudumi. Hirap din sa paghinga, hirap lumulon pero pinipilit inumin ang lahat ng gamot, isa isa, dinurog para mas madali nyang mainom. Hindi kakakitaan ng pagsuko. Mga 12midnight, pinipilit nyang bumangon pero sabi ko, pahinga na lang siya, pinipilit nya tumayo pero hindi naman niya kaya. Inayos namin (katulong ng nurse) yung higa nya na medyo paupo. Tapos ayun, humiga din muna ako, sinisilip -silip siya, tahimik siya medyo nakabaling sa kaliwa ang ulo, napansin ko na parang medyo humina yung paghinga nya kaya ask ko yung nurse kung may ilalakas pa ung oxygen, tapos ayun, tinodo na. Mga 5am, nung kinuhanan siya ng blood pressure eh sobrang baba na tapos pinisil kung may reaction pero wala. Tapos, kinausap ako ng nurse at sinabi na ihanda na namin sarili namin, pwedeng ilang araw pa siyang ganyan, hindi natin alam; ang sabi ng nurse. Tapos kinausap din ng nurse yung nanay nya. Pagkakausap nung nurse sa nanay nya, eh pilit ginigising ng nanay nya ang anak nya, ginigising naming dalawa, kausapin daw namin kasi naririnig nya raw kami. Pinipilit naming tawagin para gisingin hanggang sa umiyak na kami dalawa nung nanay nya. Nagpaalam sandali ang  nanay niya sa anak niya para magbanyo. Noong nasa banyo yung nanay niya, kinausap ko siya, ang sabi ko: Beh, kung hindi mo na kaya, magpahinga ka na, may mag-aalaga naman sa nanay mo". Pagkasabi ko, gumalaw yung kamay nya at paa saka huminga nang malalim pero wala ng kasunod tapos dali-dali kong tinawag yung nurse. Pagkatapos nun, may mga aparatong kinabit ang nurse hanggang umiling na ang nurse. 8:15 noong idineklarang patay na siya. Iyak si nanay. Iyak din ako.Yun na pala yung sign na nalagutan na siya ng hininga.

Siya bale ang kauna-unahan kong nakitang patay at namatay pa na ako ang kasama. At dahil dun, nawala na rin ang takot ko at kung may pagkakataon uli na mag-aalaga ako ng taong gustong mabuhay ay gagawinko ulit. Very memorable ang experience na ito.


7 comments:

  1. Nakakaiyak naman to..

    ReplyDelete
  2. ganun talaga... di naman pwedeng tatawa lang tayo palagi hehe, iyak din kung minsan para balance.

    ReplyDelete
  3. sana kuya bal ikaw din magalaga sakin kahit hindi pa ko ganyan kalala... kakaiyak

    ReplyDelete
  4. Naiyak ako... Im HIV positive pero parang di pa rin ako natuto gngwa ko pa rin ang mga bagay na gnagawa ko dati Im so STUPID

    ReplyDelete
    Replies
    1. di ko alam ang isasagot ko, basta kaya mong baguhin yan at nararapat mo rin sigurong baguhin, kasi balang araw babalikan ka rin ng mga hindi mo ginawang maganda. Kaya mo yan...

      Delete

  5. I was diagnosed as HEPATITIS B carrier in 2013 with fibrosis of the
    liver already present. I started on antiviral medications which
    reduced the viral load initially. After a couple of years the virus
    became resistant. I started on HEPATITIS B Herbal treatment from
    ULTIMATE LIFE CLINIC (www.ultimatelifeclinic.com) in March, 2020. Their
    treatment totally reversed the virus. I did another blood test after
    the 6 months long treatment and tested negative to the virus. Amazing
    treatment! This treatment is a breakthrough for all HBV carriers.

    ReplyDelete